BY: SHERRY "LHEN" SERRANO - BEC Youth Secretary
Sino sa daigdig ang kailanman ay hindi nakaranas kahit minsan ng problema, pagkakamali o pagkabigo? Sapul sa kanyang pagsilang, sinasabing kakambal na ng tao ang mga ito. Subalit ayon nga sa isang talinghaga: Ang brilyante'y di kikislap ng di muna nagagasgas. Tulad din ng tao, hindi siya lalakas ng walang pagsubok at paghihirap.
Ikaw! Oo, ikaw, kabataan! Tumalas ang iyong pag-iisip at kakayahang makiramdam at magnilay-nilay. Ngunit hindi ka pa rin matanda. Kulang pa ang iyong karanasan! Kung minsan, maraming tulad mo ang nakakaranas ng pagkalito, takot at pangamba sa mga pagbabagong nagaganap sa iyong sarili at kapaligiran. Dahil marahil sa hiya o takot, kadalasa'y sinasarili mo na lamang ang paghahanap ng solusyon sa iyong mga problema.
Sa pagharap sa mga suliranin, masusubok ng tao kung gaano katibay ang kanyang paniniwala, pagtitiwala at kaugnayang ispirituwal sa Diyos.
Ang suliranin gaya ng pagkakamali at pagkabigo ay pagkakataon na yumabong na mapaunlad ang sarili. Wika nga: "Sa dilim nabibigyan ng pagkakataon na yumabong ang pananalig ng tao sa Diyos." Aalis ang pagkatakot kung may suliranin. Maraming magagandang pagkakataon ang maaaring mawala kapag tigib ng takot ang kalooban.
Sabihin mo sa Diyos ang iyong problema. Walang imposibleng solusyon sa problema kapag ang tao ay nananalig sa Kanya! pagtibayin mo ang iyong paniniwala. Magtiwala ka sa Diyos at saiyong sariling kakayahan. Huwag kang panghinaan ng loob. Laging isaisip na mahal ka ng Diyos at hindi ka Niya bibigyan ng problemang hindi mo kayang lagpasan.
MANALIG at MAGTIWALA sa Makapangyarihang Diyos. Siya ang makapagbibigay ng linaw ng isip, tibay ng loob at tatag ng pagpapasya, sigla ng katawan at sigasig. Siya ang tunay na mapagmahal, makapangyarihan at mapagkalinggang Ama.
KABATAAN...tumawag ka! Hindi ka Niya pababayaan.